Jinkee Pacquiao, tinawanan lang ang balitang bangkarote na ang mister na si Manny


By on 12:17 AM

Tinawanan lang ni Sarangani Vice Governor Jinkee Pacquiao ang napaulat sa isang lokal na pahayagan na bangkarote na ang kanyang mister na si Sarangani Rep. Manny Pacquiao kaya ibinebenta umano ang bahay nila sa Amerika.

Sa ulat ni Jenniffer Solis ng GMA-GenSan sa GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon, sinabi nito na ayaw nang patulan ni Manny ang naturang balita.

Ayon kay Jinkee, una niyang nalaman ang ulat tungkol sa pagiging bangkarote nila sa pamamagitan ng Facebook.
"Sabi ko nga kagabi yung reply ko sa...kasi tauhan ko yung nag-text sa akin nabalitaan ganyan, ganyan sabi ko, 'That's funny,'" kwento ni Jinkee na sinundan niya ng tawa.


Bagaman aminado ang bise gobernador na malaki ang ginastos nila sa nakaraang halalan, hindi naman daw iyon dahilan para mabangkarote ang kanilang pamilya.

Bukod sa mag-asawang Manny at Jinkee, tumakbo rin sa nakaraang halalan ang kapatid ni Manny na si Roel.

Samantala, ipinaliwanag naman ni Jinkee na kawalan ng privacy at reklamo ng mga kapitbahay ang dahilan kaya nila ibinebenta ang kanilang mansion sa Los Angeles.

Nagrereklamo umano ang mga kalapit na bahay nila sa mansion na maingay dahil sa laging maraming tao kapag nandoon sila.  Kaya naman nais daw ng mag-asawang Pacquiao na maghanap ng ibang bahay sa US na may security at privacy.

Bukod dito, plano rin umano nila na magtayo ng isang resort sa Sarangani kaya walang katotohanan na wala na silang pera.

Hindi rin umano totoo na ibebenta nila ang kanilang bahay sa Forbes Park, Makati, ayon pa kay Jinkee.

Samantala, itinanggi naman ng boxing promoter na si Rex Wakee Salud na siya ang nagsabi na bangkarote na si Pacquiao.